Monday, February 8, 2010

Liham Pag-ibig

Ang liham na ito ay ipinadala ko sa aking pinipintakasi taong 2002, natatawa ako kasi napakamakata daw ng aking pagkakasulat he he he, bukod pa dun tagalog. Ibinabahagi ko ito bilang alaala ngayong darating na Valentine's. Hindi na uso ngayon nag Liham natalo na ito ng mga text at email pero masayang alalahanin at magbasa ng mga liham mula sa kamag-anak, kaibigan at minamahal. Ganito ang libangan namin at nagpapaalis lungkot sa gitnang silangan....
PEBRERO 14, 2002
ARAW NG MGA PUSO





Giliw kong …..,

Paano ko ba ipapaliwanag ang damdaming bumabalot sa akin tuwing naiisip kita at nakakausap? Kailan man ay hindi ko ito naramdaman sa ibang tao, 'di ko rin noon alam ang salitang PAG-IBIG bagamat alam ko na namamahay ito sa aking puso. Itinuturing kong banyaga ang damdaming ito o ayaw ko lang papasukin sa aking isip ang dakilang sangkap na nagbibigay sigla at buhay sa bawat nilalang. Kinulong ko at iginapos sa takot na makawala at di pahalagahan ng makakakuha nito. Naging makasarili ako sa pagsikil ng nararamdaman at natakot harapin ang maganda at mapait na katotohanan kapag nagmahal sa kapwa. Kahit naiisip ko na masarap ang pakiramdam ng minamahal at nagmamahal, puno ako nang pangamba at agam-agam sa mga sandaling ako'y nangangarap, kung ako nama'y nananaginip ayaw kong magising dahil baka sa aking pagmulat ay iba ang mabungaran ko sa aking harapan ang kabaligtaran maganda kong panaginip.

Ayaw ko noong tumanggap ng hamon at pagsubok dahil nangangamba akong mabigo at masayang ang panahon sa bagay na pagtutuunan ko ng pagmamahal. Ang di ko batid, ang hamon , pagsubok at kabiguan ay siyang susukat sa tibay, katapatan at angking katatagan ko na maipadama at maipaglaban ang tunay na nararamdaman. Hindi pa rin ako noon nakakawala sa anino ng aking nakaraan. Iyon ang nagpapadilim sa aking paligid kaya hindi ko makita ang nasa aking harapan. Ang bawat kabiguan ay isang magandang karanasan upang mamulat at mapag-aralan ang pagkukulang at kamalian sa mga naunang bagay. Ayaw ko noong maniwala na ang lahat ng bagay ay nilalang na may katapat,pero noon iyon hanggang nakilala kita isang araw. Para kang isang panaginip na pumukaw sa aking mahimbing na pagkatulog. Ang mga boses mo ay nagpabilis sa tibok ng puso ko, Ang kahusayan mong mangusap ay pumukaw naman sa aking damdamin at noong nasilayan ko ang matamis mong ngiti at kislap ng iyong mga mata ito ay nagbigay ng kakaibang liwanag na makita ko ang mga bagay na malabo sa akin noon. May kung ano rin bagay ang nais makawala sa aking dibdib ang damdamin na matagal ko rin sinikil. Ikaw pala ang magpapalaya dito, unti-unting nawawala ang takot at pangamba ko dahil sa kakaibang bagay na namumuo sa aking puso.

Hanggang isang umaga sa harap ng malabong salamin tinitigan ko ang aking sarili at pinakinggan sandali ang tibok ng aking puso. Tinanong ko ang aking isip; ako ba'y umiibig? Ang damdamin palang ito ay hindi kayang ipaliwanag ninuman ngunit nabibigyan kahulugan sa literal na pagkaunawa ng bawat indibidwal. May sarili pala itong lenguwahe na ang nakakaramdam lang ang maaaring makaalam at makapaglahad sa kanyang itinatangi. Nakakapagbigay din pala ito nang lakas ng loob, pag-asa at nagsisilbing inspirasyon sa bawat bagay upang makabuo ng magagandang parangap kasama ang minamahal. Ngayon alam ko na kung ano ang PAG-IBIG, "IKAW" pala ito, ang mga bagay na nagpapaganda sayo ay ang kakaiba mong katangian at karakter na nagustuhan ko kaya kita minamahal higit pa sa anyong pisikal na kumukupas at kadalasa'y ginagawang sukatan ng nakararami.Sa iyo ko nakita ang mga bagay na hinapanap ko sa babae na aking pinapangarap makasama habangbuhay. Ikaw ang nag-alis ng tanikala sa aking puso upang makaalpas at mamutawi sa aking bibig ang salitang "MAHAL KITA". Salamat at natagpuan kita ganon din sa iyong pagtitiwala at tinanggap mo ang aking pag-ibig kahit ako'y hindi kapantay ng iba mong manunuyo. Ngunit ang katapatan ko naman at wagas na pagmamahal ang magsisilbing pundasyon upang ang lahat ng aking sinasabi mapatunayan ko sayo.

Hindi lang ngayong ARAW NG MGA PUSO ipagdiriwang natin ang ating pagmamahalan bagkus araw-araw at lalo natin itong pagtitibayin sa mga darating pang mga panahon. Dahil ang tunay na nagmamahalan ay di nagsasawa sa pagpapadama at pagsasabi nang nararamdaman. Hindi ito kayang palisin ng mga pagsubok at tukso sa kinang ng yaman at opurtunidad dahil ang tunay na pagmamahal ay may pang-unawa, hindi mapaghanap at nagsisikap sa pagtuwang sa nga pinapangarap……

MALIGAYANG ARAW NG PUSO SANA MAMALAGI AKO SA PUSO MO MAGPAKAILANMAN DAHIL IKAW AY DI MAGMAMALIW SA PUSO KO AKING GINIGILIW.




Nagmamahal ng labis

Buddy

No comments:

Post a Comment