Saturday, April 3, 2010

Pighati

Kapag pinagmamasdan ko ang orasang nakasabit sa dingding at tumutunog ito sa bawat pagsapit ng eksaktong oras nalulungkot ako. Ang sabi ang orasan daw ang sumisimbolo ng simula at wakas ang paulit ulit na siklo ng mga kaganapan at pangyayari ay idinidetalye sa bawat paggalaw nito.

Tulad din ng kalendaryo ang orasan, isang halimbawa ng simula at wakas ang dalawang ito ang hindi maaaring pigilan dahil sila at magkaantabay sa paggalaw, nakabase sa orasan ang bawat pagbabago ng araw sa kalendaryo.

Kung ako ay papanaw o mawawala sa iyong paningin huwag kang malulungkot, huwag kang iiyak o panghihinayangan ang sandaling iyon. Ako ay maliit lang na bahagi ng iyong buhay at hindi sa akin nakasalalay ang iyong damdamin. Ako ay tulad ng isang dahon at ikaw ay isang puno. Hindi ako palaging nakakapit sayo dahil sa paglipas ng araw ako ay matutuyo at bibitaw sa iyong sanga. Hindi masasayang ang pagbitaw ko sayo dahil sasaluhin ako ng ng lupa at magiging pataba sa iyong mga binhi.

Huwag mong sasayangin ang iyong luha sa pag-iyak na walang katuturan, Ang sakit na dulot ng damdamin ay sandali lang hindi ito mananatili sa iyong puso dahil ito ay naglalaho din.

Kapag ako ay nasa aking himlayan hindi ko hinihiling na palagi mo akong dalawin bagkus isama mo ang mga naiwan kong alaala sayo sa lupang itinabon sa akin. Hindi ka dapat mabuhay sa nakaraan dahil nagpapabagal at nagpapabigat ito sa iyong pagsulong.........

No comments:

Post a Comment