Sunday, February 28, 2010

Larawan sa Tubig


Hindi kita nakilala noong huli tayong nagkita, kaharap kita sa upuan ng dyip pero dahil matagal din panahon ang lumipas maraming nagbago sa iyong hitsura. Payat ka at suot mong damit na may larawan ni che guevarra, ang sombrero ay kulay green tulad ng kay Mao Tse Tung, hapit ang iyong pantaloon at tila naghahanap ng gunting ang iyong buhok at balbas. Ibang iba na ang hitsura mo kumpara noong college.

Tandang tanda ko pa sabay tayong hinihikayat ng kaklase nating si Juanito na sumali sa kanilang samahan para magkaroon tayo nang pakialam sa nangyayari sa ating paaralan at lipunan. Hindi ako nahikayat pero ikaw ay sumama. Nang magkaroon ng eleksyon ang ating paaralan tumakbo ka bilang representante ng ating departamento. Ang galling mong manalumpati sa harap ng maraming estudyante nasa malayo lang ako at tinatanaw kayo. Habang ang Presidente ng ating paaralan ay nakatanaw mula sa kalawang palapag kitang kita ko ang pag-iling nito na tila baga hindi kumbinse sa iyong mga sinasabi at ganun din naman ako.

Marami ang nabago sa iyong pagsasalita punong puno ka na nang galit at prinsipyo, pakiramdam ko damang dama mo ang lahat ng kakulangan sa lipunang ating ginagalawan. Naalala ko pa minsan nagkaroon ng welga sa Naga City, wala tayo nun pasok dahil paralisado ang transportasyon. Pero ikaw Pilit ang panghihikayat mo na lakarin natin ang Pili, hanggang Naga para lang makasama sa pagtitipon. Wala kang nakumbise pero kinabukasan taas noo ka sa pagmamalaki na naglakad ka ng labing limang kilometro at nakasama ka sa rally.Nasa ikatatlong taon na kami sa Kolehiyo pero ikaw ay nasa una palang nalilibang ka sa grupong iyong sinamahan. Kung saan saan ka na rin nakarating at maging sa katabing mga probinsya kasama ka sa nag-oorganisa nito. Matapos kong lisanin ang paaralan wala na tayong balita sa isat isa.
Sandali kitang nakalimutan dahil hinarap ko ang bukas na sa palagay ko ay tama.

Kanina nga napukaw ako sa pagtapik mo sa aking balikat. Uy! Lucas hindi mo na ako kilala? Hahaha sabay halakhak mo. Nagulat ako at sandaling nag-isip. Ikaw ba iyan Alejandro. Pasensya na di kita nakilala mukhang rasta ka na kasi ngayon. Hahaha. Musta ang buhay? Bawi kong tanong sayo . Heto ayos lang dati pa rin. Ikaw parang ibang iba ka na. puna mo sa akin. Hindi naman, karaniwan pa rin at patuloy na nagpapatulo ng pawis para kumain. Sagot ko. Ilang sandali lang pinutol natin ang usapan nasa terminal na tayo ng mga jeep, Pagkababa niyaya kitang magmeryenda sandali at di ka naman tumanggi. Ang paborito nating maruya ang muli nating tinikman at habang hinihintay ang nasa kawaling maruya patuloy tayo sa kuwentuhan.
Malikot ang iyong mata palinga linga ka sa paligid tila baga may hinahanap ka, napuna ko sayo pero di ko pinansin. Oy, mga anak heto na ang maruya ninyo mainit yan baka mapaso ang dila ninyo di na kayo makapagsalita. Biro ng nagtitindang Ale. Kumuha ako ng dalawa at pinagtig-isahan natin. Umupo tayo sa gilid ng saradong establisemento, naalala ko tuloy ganito ang gawa natin noon kapag walang pasok doon tayo sa gilid ng abandonadong gusali sa ating paaralan at umuupo sa gilid habang nagkukuwentuhan.

AKo ang unang bumasag ng usapan, anong pinangkakaabalahan mo sa ngayon? Parang nandon ka parin sa dating mundo mo ha! Biro ko. Hehe napangisi ka habang napailing. Ayos lang ako kahit papano marami na rin akong nagawa at iiwan ko iyon na magandang alaala. May pinuntahan lang akong kaibigan dyan sa bayan nakabase ako ngayon sa parteng Quezon, tulad noong nasa koliheyo tayo ganun pa rin ang gawain ko pero mas makabuluhan ngayon dahil hindi na sa paaralan ako nagpapahayag ng katotohanan kundi sa mga kapwa natin mahihirap na nasa kanayunan. Kahit papano Masaya naman ako sa gawaing ito lalo na tuwing may namumulat . may pagmamalaki mong sabi.. Ikaw talaga di ka pa rin nagbabago. Ilang taon na b a ang inyong pakikibaka, marami na rin ang nagbuwis ng buhay, marami na rin ang nagbalik loob at ngayon ay
namumuhay na may ligaya at ngiti sa kanilang mga labi. Ang mga iniidolo ninyong bansa ay tinalikuran na ang ganyang uri ng pamahalaan, dahil napatunayan nila na malayo sa katotohanan ang ganyang adhikain. Ang mga katabing bansa na lang natin na patuloy pa rin naghihirap ang nagpapatupad ng sosyalismo. Kung titingnan mo nga ang Tsina binuksan na nila ang kanilang bansa sa kapitalismo. Paliwanag ko sayo. Malalim na ang ugat na nag-uugnay sa akin at siguro ang makapaghihiwalay lang sa akin sa aming mga pangarap ay kamatayan hahahaha. Sabay halakhak ka. Iyan ang hindi ko nakakalimutan sayo kahit sa seryosong usapan nagagawa mong tumawa.

Ikaw nasaan ka ngayon tanong mo sa akin. Heto nagbubukid kasi para magamit natin ang ating pinag-aralan. Mas mabuti na ang ganito kasi wala akong amo at alam mo naman gusto ko ang simpleng buhay. Sagot ko. Sa kasalukuyan nga binata pa ako kasi nalilibang ako sa ginagawa ko at ayaw kong magkaroon ng kaagaw ang pinasok kong propesyon hehehe, ngisi ko. Pareho pala tayo hindi pa rin nag-aasawa abala lang kasi ang mga babae baka hindi na natin magawa ang gusto natin kaya mas maganda ang asawahin na lang natin ay ang mga pangarap natin. Dugtong mo. Teka natapos mo rin ba ang pag-aaral? Noong umalis kasi ako dun tila di ka pa rin seryoso sa pag-aaral, libang na libang ka nun sa pag-oorganisa. Madalas ko nga mabasa isa ang pangalan
mo sa mga nakapaskil na paanyaya sa mga gilid ng ibang paaralan para humikayat ng mga kapwa natin estudyante. . Naalala mo pa pala iyon. Nakatapos din ako pero pagkatapos ko noon nagtrabaho ako sa NGO at sa Quezon nga ako napadestino. Kasama kami sa mga tumulong sa sinalanta ng baha sa real at infanta Quezon, ganun din sa iba pang bahagi ng lalawigan. Masaya nga ako kasi mainit ang pagtanggap sa amin sa mga lugar na aming dinadalaw. Pagkukuwento mo ulit. Sana balang araw kung muli tayong magkikita ganito pa rin tayo, sagot ko sayo sabay buntong hininga at hawak sa iyong balikat. Sa isip ko marami sana akong gustong sabihin sayo tungkol din sa tunay kong pagkatao ngayon pero alam ko tiyak iiwasan mo ako at mawawala ang tiwala mo sa akin kaya minabuti ko na lang na manahimik.

Kapag nagbago na ang isip mo at napagtanto mo na ang tunay nakahulugan ng kalayaan ako ang una mo ng hanapin ha! Para ipagselebra natin kahit hindi ako umiinom iinom ako para sayo. Biro ko sayo. Napangiti ka at tumingin sa kawalan noon ko napuna sa mga mata mo na tila may lungkot ka rin na itinatago.hindi ka na sumagot bagkus nagpaalam ka na rin. Sige hayaan mo at kapag nangyari iyon isa ka sa babalitaan ko. Pano hiwalay muna tayo hahabulin ko pa ang byahe ng superlines kasi kailangan maabutan ko ang byahe ng bangka sa Atimonan papuntang Polillo.

Isang taon na rin ang nakalipas mula nang tayo ay magtagpo. Ngayon andito ako sa lugar na sinabi mo noong huli tayong nagkausap. Nalulungkot tila sinukluban ng langit ang aking sarili, ayaw kong tingnan ang katawan mong nakahandusay sa gilid ng koprahan ng niyog, duguan ka at walang buhay. Katabi mo ang isang bag na Knapsack habang mahigpit sa iyong kamay ang isang caliber 45. Hindi ko akalain na sa ganitong sitwasyon tayo muling magkikita, Hindi ako ako nakatiis lumapit ako sayo at kinuha ang iyong bag. Binuksan ko ito at hindi ako nagkamali tulad noong tayo ay nasa kolehiyo lagi ka pa rin may dala-dalang maliit na kuwaderno bilang talaarawan. Palihim ko itong ibinulsa at muling ibinalik sa tabi mo ang bag. Nag-aagaw na ang
dilim sa liwanag pero madilim ang paligid sa akin, sumalampak ako sa puno ng niyog at pumikit iniisip na panaginip lang ang lahat.

Habang nakasakay sa truck na six by six binuklat ko ang iyong talaarawan……….

……Isang madilim na gabi at ang tanglaw ko lang sa ngayon ay ilaw ng gaserang di gaas dito sa gitna ng niyugan. Nakakaramdam na rin ako ng pagod, matagal na rin pata ang aking katawan nauuubos na ang lakas at panahon dito sa kanayunan at kabundukan. Sa totoo lang tila nawawalan na rin ako ng pag-asa sa aming ipanaglalaban. Habang lumalaon hindi nagbabago ang sistema, ang masa na aming inaalala at ipinaglalaban at tila malayo pa rin ang loob, napapansin ko tila natatakot lang sila kaya tila magiliw ang pagtanggap nila sa amin. Kahapon, halos ayaw kong isubo ang kanin na inihain sa amin sa isang bahay na aming tinuluyan, alam ko na kapos din sa pagkain ang pamilyang iyon, at habang kumakain kami hindi nakawala sa aking paningin ang mga maliit na mata na pasilip silip sa butas ng dingding na sawali. ……..

………..Nakatanggap ako ng text mula sa aking kapatid at nabuhayan ako ng loob ito na siguro ang pagkakataon para makapagbagong buhay. Sa sunod na lingo uuwi ako sa aming bahay para paghandaan ang natanggap kong balita. Dumating na ang papel ko mula sa America naaprubahan na ang petisyon sa aming magkakapatid ng aming mga magulang. Hay! Ang bansang kinakalaban ko ito rin yata ang aking sisilungan para sa panibagong buhay……..

…………KInaiinipan ko ang pagsapit ng umaga parang ang tagal gumalaw ng orasan ilang beses ko na bang inaaninag kung anong oras na pero tila hindi nagbabago ang takbo ng minuto ngayon lang ako nakaramdam ng inip at kaba, bakit kaya?....

Tiniklop ko na ang kuwaderno wala ng karugtong ang huling tala mo sa talaarawan siguro nagsusulat ka ng magkaroon ng putukan kaya di mo na natapos. Hindi ako dumalo sa iyong huling hantungan pero iniabot ko sa panganay mong kapatid ang iyong talaarawan at batid ko hindi mo man mababasa ang idinugtong ko sa iyong tala alam ko Masaya ka kung saan ka man
naroon.

Alejandro,
Ang lahat ng nangyayari sa ating buhay ay hindi isang biro, ito ay tadhana o ating pinili, wala kang dapat ipanghinayang, wala kang dapat ikadama ng hapo at pagod, Kung sa palagay mo hindi mo natatanaw ang bukas dahil ang ulap ay nakalambong pa rin sa silangan. Kailangan pa rin magtiis hanggang ito ay mahawi. Magkaiba ng landas ang ating tinahak kumaliwa ka at ako ay kumanan, sa madilim at masukal na gabi hindi natin nakilala ang isa’t isa nang tayo ay magsalubong pero Isa lang ang nasa isip natin sa mga oras na iyon ipagtanggol ang minamahal
nating bayan at mamamayan…….

……..paalam kaibigan .

Matagal na panahon na ang pangyayaring ito pero kanina nagbalik alaala sa akin ang lahat nang napanood ko sa tv ang mga taong tulad mo noon sa gitna ng kalsada. Wala kang pinag-iba Alejandro sa larawan sa tubig, napapawi sa patak ng luha at muling nabubuo dahil nananatili ang kaluluwa at espiritu ng may ari ng larawan sa harap ng kanyang repleksyon.

Monday, February 15, 2010

The story

Gusto ko ang tulang ito kaya naisipan ko na ilathala.....

The Story
By: Kamal Nasir

قصّة عاشت بأحلام الأنام
قصّة تنبع من دنیا الخیام
حاکها الجوع، و وشّتها عشّیات الظلام
فی بلادی، و بلادی حفنةٌ من لاجئین
کلّ عشرین لهم رطل طحین
و وعودٌ بالفرج.. و هدایا و بقج
إنها قصّة آلام الجماعة
صمدوا عشر سنین فی مجاعة
و دموع ٍ و أنین
و شقاء ٍ و حنین..
***
إنها قصّة شعب ٍ ضلّلوه،
و رموهُ فی متاهات السنین
فتحدّی و اتّحد
و مضی یشعل ما بین الخیام
ثورة العودة فی دنیا الظّلام
I will tell you a story ..
A story that lived in the dreams of people ..
A story that comes out of the world of tents ..
Was made by hunger, and decorated by the dark nights
In my country, and my country is a handfull of refugees ..
Every twenty of them have a pound of flour ..
And promises of a relief .. gifts and parcels
It is the story of the suffering group
Who stood for ten years in hunger
In tears and agony ..
In hardship and yearning ..
* * *
It is a story of a people who were misled
Who were thrown into the mazes of years
But they defied and stood
Disrobed and united
And went to light, from the tents,
The revolution of return in the world of darkness
Alqissa (the story) By Kamal Nasir
Palestinian poet, He was assassinated by the Israelis in Beirut on April 10, 1973.

Monday, February 8, 2010

Liham Pag-ibig

Ang liham na ito ay ipinadala ko sa aking pinipintakasi taong 2002, natatawa ako kasi napakamakata daw ng aking pagkakasulat he he he, bukod pa dun tagalog. Ibinabahagi ko ito bilang alaala ngayong darating na Valentine's. Hindi na uso ngayon nag Liham natalo na ito ng mga text at email pero masayang alalahanin at magbasa ng mga liham mula sa kamag-anak, kaibigan at minamahal. Ganito ang libangan namin at nagpapaalis lungkot sa gitnang silangan....
PEBRERO 14, 2002
ARAW NG MGA PUSO





Giliw kong …..,

Paano ko ba ipapaliwanag ang damdaming bumabalot sa akin tuwing naiisip kita at nakakausap? Kailan man ay hindi ko ito naramdaman sa ibang tao, 'di ko rin noon alam ang salitang PAG-IBIG bagamat alam ko na namamahay ito sa aking puso. Itinuturing kong banyaga ang damdaming ito o ayaw ko lang papasukin sa aking isip ang dakilang sangkap na nagbibigay sigla at buhay sa bawat nilalang. Kinulong ko at iginapos sa takot na makawala at di pahalagahan ng makakakuha nito. Naging makasarili ako sa pagsikil ng nararamdaman at natakot harapin ang maganda at mapait na katotohanan kapag nagmahal sa kapwa. Kahit naiisip ko na masarap ang pakiramdam ng minamahal at nagmamahal, puno ako nang pangamba at agam-agam sa mga sandaling ako'y nangangarap, kung ako nama'y nananaginip ayaw kong magising dahil baka sa aking pagmulat ay iba ang mabungaran ko sa aking harapan ang kabaligtaran maganda kong panaginip.

Ayaw ko noong tumanggap ng hamon at pagsubok dahil nangangamba akong mabigo at masayang ang panahon sa bagay na pagtutuunan ko ng pagmamahal. Ang di ko batid, ang hamon , pagsubok at kabiguan ay siyang susukat sa tibay, katapatan at angking katatagan ko na maipadama at maipaglaban ang tunay na nararamdaman. Hindi pa rin ako noon nakakawala sa anino ng aking nakaraan. Iyon ang nagpapadilim sa aking paligid kaya hindi ko makita ang nasa aking harapan. Ang bawat kabiguan ay isang magandang karanasan upang mamulat at mapag-aralan ang pagkukulang at kamalian sa mga naunang bagay. Ayaw ko noong maniwala na ang lahat ng bagay ay nilalang na may katapat,pero noon iyon hanggang nakilala kita isang araw. Para kang isang panaginip na pumukaw sa aking mahimbing na pagkatulog. Ang mga boses mo ay nagpabilis sa tibok ng puso ko, Ang kahusayan mong mangusap ay pumukaw naman sa aking damdamin at noong nasilayan ko ang matamis mong ngiti at kislap ng iyong mga mata ito ay nagbigay ng kakaibang liwanag na makita ko ang mga bagay na malabo sa akin noon. May kung ano rin bagay ang nais makawala sa aking dibdib ang damdamin na matagal ko rin sinikil. Ikaw pala ang magpapalaya dito, unti-unting nawawala ang takot at pangamba ko dahil sa kakaibang bagay na namumuo sa aking puso.

Hanggang isang umaga sa harap ng malabong salamin tinitigan ko ang aking sarili at pinakinggan sandali ang tibok ng aking puso. Tinanong ko ang aking isip; ako ba'y umiibig? Ang damdamin palang ito ay hindi kayang ipaliwanag ninuman ngunit nabibigyan kahulugan sa literal na pagkaunawa ng bawat indibidwal. May sarili pala itong lenguwahe na ang nakakaramdam lang ang maaaring makaalam at makapaglahad sa kanyang itinatangi. Nakakapagbigay din pala ito nang lakas ng loob, pag-asa at nagsisilbing inspirasyon sa bawat bagay upang makabuo ng magagandang parangap kasama ang minamahal. Ngayon alam ko na kung ano ang PAG-IBIG, "IKAW" pala ito, ang mga bagay na nagpapaganda sayo ay ang kakaiba mong katangian at karakter na nagustuhan ko kaya kita minamahal higit pa sa anyong pisikal na kumukupas at kadalasa'y ginagawang sukatan ng nakararami.Sa iyo ko nakita ang mga bagay na hinapanap ko sa babae na aking pinapangarap makasama habangbuhay. Ikaw ang nag-alis ng tanikala sa aking puso upang makaalpas at mamutawi sa aking bibig ang salitang "MAHAL KITA". Salamat at natagpuan kita ganon din sa iyong pagtitiwala at tinanggap mo ang aking pag-ibig kahit ako'y hindi kapantay ng iba mong manunuyo. Ngunit ang katapatan ko naman at wagas na pagmamahal ang magsisilbing pundasyon upang ang lahat ng aking sinasabi mapatunayan ko sayo.

Hindi lang ngayong ARAW NG MGA PUSO ipagdiriwang natin ang ating pagmamahalan bagkus araw-araw at lalo natin itong pagtitibayin sa mga darating pang mga panahon. Dahil ang tunay na nagmamahalan ay di nagsasawa sa pagpapadama at pagsasabi nang nararamdaman. Hindi ito kayang palisin ng mga pagsubok at tukso sa kinang ng yaman at opurtunidad dahil ang tunay na pagmamahal ay may pang-unawa, hindi mapaghanap at nagsisikap sa pagtuwang sa nga pinapangarap……

MALIGAYANG ARAW NG PUSO SANA MAMALAGI AKO SA PUSO MO MAGPAKAILANMAN DAHIL IKAW AY DI MAGMAMALIW SA PUSO KO AKING GINIGILIW.




Nagmamahal ng labis

Buddy

Katotohanang dapat Bigyang Pansin

Tuwing umaga nabubungaran ko ang mga balita sa lokal na diyaryo sa internet ang tungkol sa kalagayang pampulitika sa atin. Paulit ulit na sistema batuhan ng mga akusasyon at paghuhugas kamay at pagyayabang ang mga kandidato sa mataas na puwesto. Kung magsalita akala mo tila ba ang ating bansa ay isang bola lang na kayang paikutin sa kanyang mga palad.
Nakakapagod at nakakairita na kung pag-uukulan nang pansin pero kailangan magmatyag at maging mapanuri ang masa para mapili nila ang pagkakatiwalaang pulitiko na gagabay upang umangat ang kabuhayan ng bansa. Isa lang ang tanong ko, mangyari kaya ang mga bagay na ito? o maging pangarap na naman at kabiguan sa karamihang obrero at kabataan.
Ilang dekada na ang lumipas, ilang presidente na ang namuno sa ating bansa, kuwento nga ng aking dating boss na Koreano noong ako ay nasa Dubai UAE. Noong maliit pa siya kilala ang bansa natin bilang pangalawa sa bansang Japan dito sa Timog Silangang Asya. Ang kanilang bansa ay nagdarahop noon at halos walang makain ang karamihan lalo na ang nasa liblib na lugar. Ngunit dahil sa pagmamahal ng iba nilang kababayan na maluwag ang buhay sa ibang bansa, nahikayat ito ng gobyerno nila na muling bumalik sa Korea at tumulong sa pagpapaunlad ng bansa nila. Tulad natin apektado ang South Korea noong ikalawang digmaang pandaigdig, ganun din ng digmaang timog at hilagang Korea. Sa kabila ng mga dagok na iyon, hindi sila nawalan nang pag-asa bagkus nagkapit bisig sila para maiangat ang ekonomiya.
Sa aking palagay ang kawalan ng interes ng mga namumuno sa pamahalaan sa limang bagay na ito ang siyang dahilan kaya hirap na hirap tayong umangat.
Hindi pinag-uukulan ng pamahalaan ang para sa KALUSUGAN ng mga mamayang pilipino, mahalaga ang kalusugan sa isang bansa dahil kung ang mamamayan ay laging may karamdaman hindi makakapagtrabaho nang maayos. Ang sakit na tuberkolusis ay wala na sa ibang bansa pero sa ating bansa marami pa rin ang meron nito at kahit libre na raw ang pagpapagamot nito hindi pa rin matugunan ng gobyerno sa mga lokal at panlalawigang pagamutan. Kung ang mamamayan ay malusog malilimitahan ang mga gastusin para sa bagay na ito. Dapat pag-ukulan ng gobyerno ang malinis na inuming tubig sa mga nayon at baranggay. Sa mga liblib na mga baranggay sa ating bansa marami pa rin ang kahit poso ay wala, umiinom sila sa balon na mababaw at maaaring kontaminado ng mga bakterya. Walang maayos na palikuran at kung meron man mababaw ito at malapit sa mga pinagkukunan ng inuming tubig. Maraming programa kuno ang mga sangay ng pamahalaan pero kulang sa pagpapatupad at kasanayan para maibahagi ito. Walang manggamot sa mga pagamutang baranggay at ang masaklap pa walang taong manggagamot. Mura ang gamot na paracetamol pero sa taong kahit isang singko ay hindi makakabili dahil walang pinagkakakitaang maayos. Magtitiyaga na lang sa mga tapal-tapal na dahon at albularyo para malunasan ang kanilang karamdaman.
KAKULANGAN SA KAALAMAN, kung kulang sa interes ang mamamayan sa kaalaman isa rin dahilan ito kung bakit tayo naghihirap sapagkat sabi nga ang kakulangan sa kaalaman ay nangangahulugan na kakapusan sa impormasyon. Hindi naman ibig sabihin ay mangmang tayong pinoy dahil iba naman ang kulang sa kaalaman kumpara sa kulang sa talino. Iba rin ito sa pagiging tanga o hangal. Pero minsan ito ang interpretasyon ng karamihan dahil inaakala ng iba na iisa lang ang kahulugan nito.
Ang KAALAMAN ay kapangyarihan ngunit nakakalungkot lang na ang iba sa atin ay sinasarili ito at kundi man ginagamit ang kanilang kaalaman para makontrol ang karamihan at sila ang mamayani. Ang pagiging makasarili sa kaisipang kapag inilahad ang nalalaman sa kapwa magreresulta ito ng kumpitensya balang araw. Ang pagpapalawak ng edukasyon sa lahat ay isang magandang pundasyon sa pag-unlad, Mahalaga na malaman ng bawat isa ang mga bagong impormasyon, Ngunit kailangan ang impormasyong edukasyon ay angkop sa kalagayan ng bawat isa. Sa isang magbubukid higit na mahalaga ang malaman niya ang makabago at siyentipikong pagtatanim ng halaman. Hindi akma sa kanya ang ibang aralin kung saan hindi magbibigay ng benepisyo sa kanyang ikinabubuhay. Ang pagbibigay ng mga pagsasanay sa mga mamayan at pagmumulat sa kanila sa mga bagong bagay na magbibigay ng progresibo sa kanilang ikinabubuhay ay magtatanglaw sa mga mamamayan upang mamulat sa anuman kasalatan. Kailangan ituon ng pamahalaan ang pag-aaral na may pagsasanay hindi lang ang mga sa mga teorya at halimbawa.
KAWALANG PAGPAPAHALAGA ito ay madalas kung nakikita sa kapwa natin pinoy, ang walang pakialam dahil siguro sa kawalang pag-asa na nakikita sa ating sistema o ang pakiramdam ay wala silang kapangyarihan para mabago ang mga bagay-bagay sa paligid nila, na maitama o naitama na ang isang pagkakamali , o dili naman ay iniisip na lang nila na bago makialam sa mga isyu ng lipunan ay pagtuunan na lang nila ang kanilang pamilya o pamumuhay.
Ang pagkakaroon ng damdaming inggit at selos ay dahilan kung bakit nawawalan ng pagpapahalaga sa kapwa maging sa kamag-anak. Kapag nakikitang umaasenso ang kapwa hindi naiiwasan na hilahin pababa para pareho silang manatiling naghihirap. Imbes na gayahin at mag-isip kung paano rin uunlad at hindi magiging karibal ng kapwa.
Ang pagiging relihiyoso kuno pero mababa naman ang moral at katuwirang kung ano ang andyan ay kaloob nang Dios at sya na lang pagyamanin. Oo nga't naniniwala tayo ng ang lahat ay nakatakda para sa atin pero hindi naman pwedeng hindi natin pakialaman ang tadhana at magwalang bahala na lang. Kailangan kumilos at makialam, tumulong at magpahalaga sa lahat ng aspeto ng buhay, lipunan, sambahayan at relihiyon. Kailangan din hikayatin ng marurunong ang lahat sa pamamagitan nang pagpupuri upang maengganyo at magkaroon ng kagustuhan matuto kung ano ang gagawin upang makapag-ambag sa pagbabago. At tamang gagawin sa pagpapatakbo ng kanilang ginagawalan. Kung ang lahat ay magkaisa at magsama-sama na nagtutulungan at magkakaroon nang mabuting pakikialam mula sa maliit na grupo at palaki unti unti malalabanan ang kahirapan.
HINDI MAPAGKAKATIWALAAN, bagamat ang pinoy ay kilala na may angking galing at kahit saang panig ng mundo matatagpuan, hindi maikakaila na kilala din tayo sa pagiging maloko, kaya kadalasan nakakaranas tayo ng panlalait sa ibang bansa at mahirap natin tanggapin ang katotohanan na iyon. Hindi ko hinuhusgahan ang ating lahi ang sinasabi ko ay ang katotohanan lang din na alam natin.
Ngayong ang halalan ay nalalapit halos lahat ng pulitiko ay nag-aanyong mabuti at mapagkakatiwalaan, pinagmumukha nila ang sarili nila na kagalanggalang at malinis sa lipunan, nagsusuot mahirap, kunwari ay kaisa nila at laging handang dumamay.
Batid ko na ang karamihan sa ating pinoy ay walang tiwala sa mga pulitiko na matapos mahalal ay nakakalimutan na ang para sa bayan, bagkus nagpapayaman at kinukurakot ang perang laan sa mga proyektong pangkabuhayan, medikal at inprastaktura. Sabi ng ibang ekonomista hindi ang pangungurakot na ito ang isang malaking dahilan para maghirap ang isang bayan. Kundi ang pag-alis ng mga mamumuhunan dahil sa kawalang tiwala na kikita ang kanilang negosyo. Sa bagay na ito ang ekonomiya mismo ang tinatamaan dahil sa paghina at pagkawala sa sirkulasyon ng pera.
Kung ang karaniwang mamamayan ay magnakaw ng maliit na halaga napupuna natin ito, ngunit kapag ang mayaman at nakaupo sa lipunan ang siyang nagnakaw makailang beses ang laki sa kinulimbat ng ordinaryong mamamayan hindi natin ito napapansin dahil iniidolo natin ang taong ito, iginagalang at pinangingilagan. Sa maliit na halagang itinulong nila sa mahihirap nating mamamayan tila baga malaki na ito at nalilimot natin kung ano ang kanilang kasalanan sa bayan. Sa isang ordinaryong kawatn pulis ang kalaban pero sa pulitiko at mayaman pulis ang utusan para siya maprotektahan.
Ang isang opisyales natin na siyang gagabay upang maiangat tayo sa kahirapan ay siya pang ugat para maghirap ang bayan dahil sa pagwawalang hiya niya at siyang nagtutulak sa mahirap para maging kawatan dahil sa kahirapan. Nakakalungkot na katotohanan at siyang nagpapalugmok sa lalong kahirapan. Minsan pa nagkakaroon ng gantimpala ang mga kurakot sa gobyerno imbes natugisin at panagutin sa kanilang sala, ito ay isang dahilan kung bakit ang mamamayan ay napipilitan sumalungat sa gobyerno at lumaban. Kapag ang ninakaw ng mga ganid na pulitiko sa bayan ay inilabas ng bansa at doon inilagak lalong nagpapahirap ito sa kaban ng bayan dahil ang mapapaboran nito ang ang bansang pinaglagakan hindi ang ating mga bangko.
PAGIGING PALAASA, ang pagwawalang bahala at pagiging palaasa ay isa rin ugali nating pilipino, hindi na gagalaw dahil nakita niya na ginagawa na ni Juan ang dapat ay kanya, Wala itong pagkakaiba sa paglimos nang awa. Masamang ugali ang pagiging palaasa dahil katamaran ito. Hindi ito masama kung panandalian lang lalo na sa panahon ng kalamidad pero kung palagi na ay ugat ito ng paghihirap. .....
... Pagod na ako sa pagsulat baka tamarin na kayo sa pagbasa kaya tama na muna. hehehe.