Sunday, February 28, 2010

Larawan sa Tubig


Hindi kita nakilala noong huli tayong nagkita, kaharap kita sa upuan ng dyip pero dahil matagal din panahon ang lumipas maraming nagbago sa iyong hitsura. Payat ka at suot mong damit na may larawan ni che guevarra, ang sombrero ay kulay green tulad ng kay Mao Tse Tung, hapit ang iyong pantaloon at tila naghahanap ng gunting ang iyong buhok at balbas. Ibang iba na ang hitsura mo kumpara noong college.

Tandang tanda ko pa sabay tayong hinihikayat ng kaklase nating si Juanito na sumali sa kanilang samahan para magkaroon tayo nang pakialam sa nangyayari sa ating paaralan at lipunan. Hindi ako nahikayat pero ikaw ay sumama. Nang magkaroon ng eleksyon ang ating paaralan tumakbo ka bilang representante ng ating departamento. Ang galling mong manalumpati sa harap ng maraming estudyante nasa malayo lang ako at tinatanaw kayo. Habang ang Presidente ng ating paaralan ay nakatanaw mula sa kalawang palapag kitang kita ko ang pag-iling nito na tila baga hindi kumbinse sa iyong mga sinasabi at ganun din naman ako.

Marami ang nabago sa iyong pagsasalita punong puno ka na nang galit at prinsipyo, pakiramdam ko damang dama mo ang lahat ng kakulangan sa lipunang ating ginagalawan. Naalala ko pa minsan nagkaroon ng welga sa Naga City, wala tayo nun pasok dahil paralisado ang transportasyon. Pero ikaw Pilit ang panghihikayat mo na lakarin natin ang Pili, hanggang Naga para lang makasama sa pagtitipon. Wala kang nakumbise pero kinabukasan taas noo ka sa pagmamalaki na naglakad ka ng labing limang kilometro at nakasama ka sa rally.Nasa ikatatlong taon na kami sa Kolehiyo pero ikaw ay nasa una palang nalilibang ka sa grupong iyong sinamahan. Kung saan saan ka na rin nakarating at maging sa katabing mga probinsya kasama ka sa nag-oorganisa nito. Matapos kong lisanin ang paaralan wala na tayong balita sa isat isa.
Sandali kitang nakalimutan dahil hinarap ko ang bukas na sa palagay ko ay tama.

Kanina nga napukaw ako sa pagtapik mo sa aking balikat. Uy! Lucas hindi mo na ako kilala? Hahaha sabay halakhak mo. Nagulat ako at sandaling nag-isip. Ikaw ba iyan Alejandro. Pasensya na di kita nakilala mukhang rasta ka na kasi ngayon. Hahaha. Musta ang buhay? Bawi kong tanong sayo . Heto ayos lang dati pa rin. Ikaw parang ibang iba ka na. puna mo sa akin. Hindi naman, karaniwan pa rin at patuloy na nagpapatulo ng pawis para kumain. Sagot ko. Ilang sandali lang pinutol natin ang usapan nasa terminal na tayo ng mga jeep, Pagkababa niyaya kitang magmeryenda sandali at di ka naman tumanggi. Ang paborito nating maruya ang muli nating tinikman at habang hinihintay ang nasa kawaling maruya patuloy tayo sa kuwentuhan.
Malikot ang iyong mata palinga linga ka sa paligid tila baga may hinahanap ka, napuna ko sayo pero di ko pinansin. Oy, mga anak heto na ang maruya ninyo mainit yan baka mapaso ang dila ninyo di na kayo makapagsalita. Biro ng nagtitindang Ale. Kumuha ako ng dalawa at pinagtig-isahan natin. Umupo tayo sa gilid ng saradong establisemento, naalala ko tuloy ganito ang gawa natin noon kapag walang pasok doon tayo sa gilid ng abandonadong gusali sa ating paaralan at umuupo sa gilid habang nagkukuwentuhan.

AKo ang unang bumasag ng usapan, anong pinangkakaabalahan mo sa ngayon? Parang nandon ka parin sa dating mundo mo ha! Biro ko. Hehe napangisi ka habang napailing. Ayos lang ako kahit papano marami na rin akong nagawa at iiwan ko iyon na magandang alaala. May pinuntahan lang akong kaibigan dyan sa bayan nakabase ako ngayon sa parteng Quezon, tulad noong nasa koliheyo tayo ganun pa rin ang gawain ko pero mas makabuluhan ngayon dahil hindi na sa paaralan ako nagpapahayag ng katotohanan kundi sa mga kapwa natin mahihirap na nasa kanayunan. Kahit papano Masaya naman ako sa gawaing ito lalo na tuwing may namumulat . may pagmamalaki mong sabi.. Ikaw talaga di ka pa rin nagbabago. Ilang taon na b a ang inyong pakikibaka, marami na rin ang nagbuwis ng buhay, marami na rin ang nagbalik loob at ngayon ay
namumuhay na may ligaya at ngiti sa kanilang mga labi. Ang mga iniidolo ninyong bansa ay tinalikuran na ang ganyang uri ng pamahalaan, dahil napatunayan nila na malayo sa katotohanan ang ganyang adhikain. Ang mga katabing bansa na lang natin na patuloy pa rin naghihirap ang nagpapatupad ng sosyalismo. Kung titingnan mo nga ang Tsina binuksan na nila ang kanilang bansa sa kapitalismo. Paliwanag ko sayo. Malalim na ang ugat na nag-uugnay sa akin at siguro ang makapaghihiwalay lang sa akin sa aming mga pangarap ay kamatayan hahahaha. Sabay halakhak ka. Iyan ang hindi ko nakakalimutan sayo kahit sa seryosong usapan nagagawa mong tumawa.

Ikaw nasaan ka ngayon tanong mo sa akin. Heto nagbubukid kasi para magamit natin ang ating pinag-aralan. Mas mabuti na ang ganito kasi wala akong amo at alam mo naman gusto ko ang simpleng buhay. Sagot ko. Sa kasalukuyan nga binata pa ako kasi nalilibang ako sa ginagawa ko at ayaw kong magkaroon ng kaagaw ang pinasok kong propesyon hehehe, ngisi ko. Pareho pala tayo hindi pa rin nag-aasawa abala lang kasi ang mga babae baka hindi na natin magawa ang gusto natin kaya mas maganda ang asawahin na lang natin ay ang mga pangarap natin. Dugtong mo. Teka natapos mo rin ba ang pag-aaral? Noong umalis kasi ako dun tila di ka pa rin seryoso sa pag-aaral, libang na libang ka nun sa pag-oorganisa. Madalas ko nga mabasa isa ang pangalan
mo sa mga nakapaskil na paanyaya sa mga gilid ng ibang paaralan para humikayat ng mga kapwa natin estudyante. . Naalala mo pa pala iyon. Nakatapos din ako pero pagkatapos ko noon nagtrabaho ako sa NGO at sa Quezon nga ako napadestino. Kasama kami sa mga tumulong sa sinalanta ng baha sa real at infanta Quezon, ganun din sa iba pang bahagi ng lalawigan. Masaya nga ako kasi mainit ang pagtanggap sa amin sa mga lugar na aming dinadalaw. Pagkukuwento mo ulit. Sana balang araw kung muli tayong magkikita ganito pa rin tayo, sagot ko sayo sabay buntong hininga at hawak sa iyong balikat. Sa isip ko marami sana akong gustong sabihin sayo tungkol din sa tunay kong pagkatao ngayon pero alam ko tiyak iiwasan mo ako at mawawala ang tiwala mo sa akin kaya minabuti ko na lang na manahimik.

Kapag nagbago na ang isip mo at napagtanto mo na ang tunay nakahulugan ng kalayaan ako ang una mo ng hanapin ha! Para ipagselebra natin kahit hindi ako umiinom iinom ako para sayo. Biro ko sayo. Napangiti ka at tumingin sa kawalan noon ko napuna sa mga mata mo na tila may lungkot ka rin na itinatago.hindi ka na sumagot bagkus nagpaalam ka na rin. Sige hayaan mo at kapag nangyari iyon isa ka sa babalitaan ko. Pano hiwalay muna tayo hahabulin ko pa ang byahe ng superlines kasi kailangan maabutan ko ang byahe ng bangka sa Atimonan papuntang Polillo.

Isang taon na rin ang nakalipas mula nang tayo ay magtagpo. Ngayon andito ako sa lugar na sinabi mo noong huli tayong nagkausap. Nalulungkot tila sinukluban ng langit ang aking sarili, ayaw kong tingnan ang katawan mong nakahandusay sa gilid ng koprahan ng niyog, duguan ka at walang buhay. Katabi mo ang isang bag na Knapsack habang mahigpit sa iyong kamay ang isang caliber 45. Hindi ko akalain na sa ganitong sitwasyon tayo muling magkikita, Hindi ako ako nakatiis lumapit ako sayo at kinuha ang iyong bag. Binuksan ko ito at hindi ako nagkamali tulad noong tayo ay nasa kolehiyo lagi ka pa rin may dala-dalang maliit na kuwaderno bilang talaarawan. Palihim ko itong ibinulsa at muling ibinalik sa tabi mo ang bag. Nag-aagaw na ang
dilim sa liwanag pero madilim ang paligid sa akin, sumalampak ako sa puno ng niyog at pumikit iniisip na panaginip lang ang lahat.

Habang nakasakay sa truck na six by six binuklat ko ang iyong talaarawan……….

……Isang madilim na gabi at ang tanglaw ko lang sa ngayon ay ilaw ng gaserang di gaas dito sa gitna ng niyugan. Nakakaramdam na rin ako ng pagod, matagal na rin pata ang aking katawan nauuubos na ang lakas at panahon dito sa kanayunan at kabundukan. Sa totoo lang tila nawawalan na rin ako ng pag-asa sa aming ipanaglalaban. Habang lumalaon hindi nagbabago ang sistema, ang masa na aming inaalala at ipinaglalaban at tila malayo pa rin ang loob, napapansin ko tila natatakot lang sila kaya tila magiliw ang pagtanggap nila sa amin. Kahapon, halos ayaw kong isubo ang kanin na inihain sa amin sa isang bahay na aming tinuluyan, alam ko na kapos din sa pagkain ang pamilyang iyon, at habang kumakain kami hindi nakawala sa aking paningin ang mga maliit na mata na pasilip silip sa butas ng dingding na sawali. ……..

………..Nakatanggap ako ng text mula sa aking kapatid at nabuhayan ako ng loob ito na siguro ang pagkakataon para makapagbagong buhay. Sa sunod na lingo uuwi ako sa aming bahay para paghandaan ang natanggap kong balita. Dumating na ang papel ko mula sa America naaprubahan na ang petisyon sa aming magkakapatid ng aming mga magulang. Hay! Ang bansang kinakalaban ko ito rin yata ang aking sisilungan para sa panibagong buhay……..

…………KInaiinipan ko ang pagsapit ng umaga parang ang tagal gumalaw ng orasan ilang beses ko na bang inaaninag kung anong oras na pero tila hindi nagbabago ang takbo ng minuto ngayon lang ako nakaramdam ng inip at kaba, bakit kaya?....

Tiniklop ko na ang kuwaderno wala ng karugtong ang huling tala mo sa talaarawan siguro nagsusulat ka ng magkaroon ng putukan kaya di mo na natapos. Hindi ako dumalo sa iyong huling hantungan pero iniabot ko sa panganay mong kapatid ang iyong talaarawan at batid ko hindi mo man mababasa ang idinugtong ko sa iyong tala alam ko Masaya ka kung saan ka man
naroon.

Alejandro,
Ang lahat ng nangyayari sa ating buhay ay hindi isang biro, ito ay tadhana o ating pinili, wala kang dapat ipanghinayang, wala kang dapat ikadama ng hapo at pagod, Kung sa palagay mo hindi mo natatanaw ang bukas dahil ang ulap ay nakalambong pa rin sa silangan. Kailangan pa rin magtiis hanggang ito ay mahawi. Magkaiba ng landas ang ating tinahak kumaliwa ka at ako ay kumanan, sa madilim at masukal na gabi hindi natin nakilala ang isa’t isa nang tayo ay magsalubong pero Isa lang ang nasa isip natin sa mga oras na iyon ipagtanggol ang minamahal
nating bayan at mamamayan…….

……..paalam kaibigan .

Matagal na panahon na ang pangyayaring ito pero kanina nagbalik alaala sa akin ang lahat nang napanood ko sa tv ang mga taong tulad mo noon sa gitna ng kalsada. Wala kang pinag-iba Alejandro sa larawan sa tubig, napapawi sa patak ng luha at muling nabubuo dahil nananatili ang kaluluwa at espiritu ng may ari ng larawan sa harap ng kanyang repleksyon.

No comments:

Post a Comment