Monday, February 8, 2010

Katotohanang dapat Bigyang Pansin

Tuwing umaga nabubungaran ko ang mga balita sa lokal na diyaryo sa internet ang tungkol sa kalagayang pampulitika sa atin. Paulit ulit na sistema batuhan ng mga akusasyon at paghuhugas kamay at pagyayabang ang mga kandidato sa mataas na puwesto. Kung magsalita akala mo tila ba ang ating bansa ay isang bola lang na kayang paikutin sa kanyang mga palad.
Nakakapagod at nakakairita na kung pag-uukulan nang pansin pero kailangan magmatyag at maging mapanuri ang masa para mapili nila ang pagkakatiwalaang pulitiko na gagabay upang umangat ang kabuhayan ng bansa. Isa lang ang tanong ko, mangyari kaya ang mga bagay na ito? o maging pangarap na naman at kabiguan sa karamihang obrero at kabataan.
Ilang dekada na ang lumipas, ilang presidente na ang namuno sa ating bansa, kuwento nga ng aking dating boss na Koreano noong ako ay nasa Dubai UAE. Noong maliit pa siya kilala ang bansa natin bilang pangalawa sa bansang Japan dito sa Timog Silangang Asya. Ang kanilang bansa ay nagdarahop noon at halos walang makain ang karamihan lalo na ang nasa liblib na lugar. Ngunit dahil sa pagmamahal ng iba nilang kababayan na maluwag ang buhay sa ibang bansa, nahikayat ito ng gobyerno nila na muling bumalik sa Korea at tumulong sa pagpapaunlad ng bansa nila. Tulad natin apektado ang South Korea noong ikalawang digmaang pandaigdig, ganun din ng digmaang timog at hilagang Korea. Sa kabila ng mga dagok na iyon, hindi sila nawalan nang pag-asa bagkus nagkapit bisig sila para maiangat ang ekonomiya.
Sa aking palagay ang kawalan ng interes ng mga namumuno sa pamahalaan sa limang bagay na ito ang siyang dahilan kaya hirap na hirap tayong umangat.
Hindi pinag-uukulan ng pamahalaan ang para sa KALUSUGAN ng mga mamayang pilipino, mahalaga ang kalusugan sa isang bansa dahil kung ang mamamayan ay laging may karamdaman hindi makakapagtrabaho nang maayos. Ang sakit na tuberkolusis ay wala na sa ibang bansa pero sa ating bansa marami pa rin ang meron nito at kahit libre na raw ang pagpapagamot nito hindi pa rin matugunan ng gobyerno sa mga lokal at panlalawigang pagamutan. Kung ang mamamayan ay malusog malilimitahan ang mga gastusin para sa bagay na ito. Dapat pag-ukulan ng gobyerno ang malinis na inuming tubig sa mga nayon at baranggay. Sa mga liblib na mga baranggay sa ating bansa marami pa rin ang kahit poso ay wala, umiinom sila sa balon na mababaw at maaaring kontaminado ng mga bakterya. Walang maayos na palikuran at kung meron man mababaw ito at malapit sa mga pinagkukunan ng inuming tubig. Maraming programa kuno ang mga sangay ng pamahalaan pero kulang sa pagpapatupad at kasanayan para maibahagi ito. Walang manggamot sa mga pagamutang baranggay at ang masaklap pa walang taong manggagamot. Mura ang gamot na paracetamol pero sa taong kahit isang singko ay hindi makakabili dahil walang pinagkakakitaang maayos. Magtitiyaga na lang sa mga tapal-tapal na dahon at albularyo para malunasan ang kanilang karamdaman.
KAKULANGAN SA KAALAMAN, kung kulang sa interes ang mamamayan sa kaalaman isa rin dahilan ito kung bakit tayo naghihirap sapagkat sabi nga ang kakulangan sa kaalaman ay nangangahulugan na kakapusan sa impormasyon. Hindi naman ibig sabihin ay mangmang tayong pinoy dahil iba naman ang kulang sa kaalaman kumpara sa kulang sa talino. Iba rin ito sa pagiging tanga o hangal. Pero minsan ito ang interpretasyon ng karamihan dahil inaakala ng iba na iisa lang ang kahulugan nito.
Ang KAALAMAN ay kapangyarihan ngunit nakakalungkot lang na ang iba sa atin ay sinasarili ito at kundi man ginagamit ang kanilang kaalaman para makontrol ang karamihan at sila ang mamayani. Ang pagiging makasarili sa kaisipang kapag inilahad ang nalalaman sa kapwa magreresulta ito ng kumpitensya balang araw. Ang pagpapalawak ng edukasyon sa lahat ay isang magandang pundasyon sa pag-unlad, Mahalaga na malaman ng bawat isa ang mga bagong impormasyon, Ngunit kailangan ang impormasyong edukasyon ay angkop sa kalagayan ng bawat isa. Sa isang magbubukid higit na mahalaga ang malaman niya ang makabago at siyentipikong pagtatanim ng halaman. Hindi akma sa kanya ang ibang aralin kung saan hindi magbibigay ng benepisyo sa kanyang ikinabubuhay. Ang pagbibigay ng mga pagsasanay sa mga mamayan at pagmumulat sa kanila sa mga bagong bagay na magbibigay ng progresibo sa kanilang ikinabubuhay ay magtatanglaw sa mga mamamayan upang mamulat sa anuman kasalatan. Kailangan ituon ng pamahalaan ang pag-aaral na may pagsasanay hindi lang ang mga sa mga teorya at halimbawa.
KAWALANG PAGPAPAHALAGA ito ay madalas kung nakikita sa kapwa natin pinoy, ang walang pakialam dahil siguro sa kawalang pag-asa na nakikita sa ating sistema o ang pakiramdam ay wala silang kapangyarihan para mabago ang mga bagay-bagay sa paligid nila, na maitama o naitama na ang isang pagkakamali , o dili naman ay iniisip na lang nila na bago makialam sa mga isyu ng lipunan ay pagtuunan na lang nila ang kanilang pamilya o pamumuhay.
Ang pagkakaroon ng damdaming inggit at selos ay dahilan kung bakit nawawalan ng pagpapahalaga sa kapwa maging sa kamag-anak. Kapag nakikitang umaasenso ang kapwa hindi naiiwasan na hilahin pababa para pareho silang manatiling naghihirap. Imbes na gayahin at mag-isip kung paano rin uunlad at hindi magiging karibal ng kapwa.
Ang pagiging relihiyoso kuno pero mababa naman ang moral at katuwirang kung ano ang andyan ay kaloob nang Dios at sya na lang pagyamanin. Oo nga't naniniwala tayo ng ang lahat ay nakatakda para sa atin pero hindi naman pwedeng hindi natin pakialaman ang tadhana at magwalang bahala na lang. Kailangan kumilos at makialam, tumulong at magpahalaga sa lahat ng aspeto ng buhay, lipunan, sambahayan at relihiyon. Kailangan din hikayatin ng marurunong ang lahat sa pamamagitan nang pagpupuri upang maengganyo at magkaroon ng kagustuhan matuto kung ano ang gagawin upang makapag-ambag sa pagbabago. At tamang gagawin sa pagpapatakbo ng kanilang ginagawalan. Kung ang lahat ay magkaisa at magsama-sama na nagtutulungan at magkakaroon nang mabuting pakikialam mula sa maliit na grupo at palaki unti unti malalabanan ang kahirapan.
HINDI MAPAGKAKATIWALAAN, bagamat ang pinoy ay kilala na may angking galing at kahit saang panig ng mundo matatagpuan, hindi maikakaila na kilala din tayo sa pagiging maloko, kaya kadalasan nakakaranas tayo ng panlalait sa ibang bansa at mahirap natin tanggapin ang katotohanan na iyon. Hindi ko hinuhusgahan ang ating lahi ang sinasabi ko ay ang katotohanan lang din na alam natin.
Ngayong ang halalan ay nalalapit halos lahat ng pulitiko ay nag-aanyong mabuti at mapagkakatiwalaan, pinagmumukha nila ang sarili nila na kagalanggalang at malinis sa lipunan, nagsusuot mahirap, kunwari ay kaisa nila at laging handang dumamay.
Batid ko na ang karamihan sa ating pinoy ay walang tiwala sa mga pulitiko na matapos mahalal ay nakakalimutan na ang para sa bayan, bagkus nagpapayaman at kinukurakot ang perang laan sa mga proyektong pangkabuhayan, medikal at inprastaktura. Sabi ng ibang ekonomista hindi ang pangungurakot na ito ang isang malaking dahilan para maghirap ang isang bayan. Kundi ang pag-alis ng mga mamumuhunan dahil sa kawalang tiwala na kikita ang kanilang negosyo. Sa bagay na ito ang ekonomiya mismo ang tinatamaan dahil sa paghina at pagkawala sa sirkulasyon ng pera.
Kung ang karaniwang mamamayan ay magnakaw ng maliit na halaga napupuna natin ito, ngunit kapag ang mayaman at nakaupo sa lipunan ang siyang nagnakaw makailang beses ang laki sa kinulimbat ng ordinaryong mamamayan hindi natin ito napapansin dahil iniidolo natin ang taong ito, iginagalang at pinangingilagan. Sa maliit na halagang itinulong nila sa mahihirap nating mamamayan tila baga malaki na ito at nalilimot natin kung ano ang kanilang kasalanan sa bayan. Sa isang ordinaryong kawatn pulis ang kalaban pero sa pulitiko at mayaman pulis ang utusan para siya maprotektahan.
Ang isang opisyales natin na siyang gagabay upang maiangat tayo sa kahirapan ay siya pang ugat para maghirap ang bayan dahil sa pagwawalang hiya niya at siyang nagtutulak sa mahirap para maging kawatan dahil sa kahirapan. Nakakalungkot na katotohanan at siyang nagpapalugmok sa lalong kahirapan. Minsan pa nagkakaroon ng gantimpala ang mga kurakot sa gobyerno imbes natugisin at panagutin sa kanilang sala, ito ay isang dahilan kung bakit ang mamamayan ay napipilitan sumalungat sa gobyerno at lumaban. Kapag ang ninakaw ng mga ganid na pulitiko sa bayan ay inilabas ng bansa at doon inilagak lalong nagpapahirap ito sa kaban ng bayan dahil ang mapapaboran nito ang ang bansang pinaglagakan hindi ang ating mga bangko.
PAGIGING PALAASA, ang pagwawalang bahala at pagiging palaasa ay isa rin ugali nating pilipino, hindi na gagalaw dahil nakita niya na ginagawa na ni Juan ang dapat ay kanya, Wala itong pagkakaiba sa paglimos nang awa. Masamang ugali ang pagiging palaasa dahil katamaran ito. Hindi ito masama kung panandalian lang lalo na sa panahon ng kalamidad pero kung palagi na ay ugat ito ng paghihirap. .....
... Pagod na ako sa pagsulat baka tamarin na kayo sa pagbasa kaya tama na muna. hehehe.

No comments:

Post a Comment