Thursday, August 13, 2009

HIMALA


Al Ahsa March 2001


HIMALA


Sa pusod ng dilim tulad ko ay ningas
Nang isang gaserang aandap-andap
Sumasayaw-sayaw ang ningas sa malumanay
na ugoy ng malamig na hangin.

Hindi na halos makatanglaw sa pusikit na dilim
ang langis na sa aki'y nagbibigay buhay
Ngayo'y halos said na sa matinding pagsipsip
Nang kapirasong pranelang nagsisilbing mitsa.

Kagabi naging ilaw pa ako ng isang manunulat
Upang mabuo niya ang mga kuwento , tula't sanaysay
Ginamit din nya akong tanglaw sa kanyang hapag
Para sa espesyal na hapunan kasalo ang kanyang mahal.

Tinatalo na ako ngayon ng matinding liwanag
Nang mga naglalakihang bombilya sa katabing bahay
Mga sinag nito'y naglalagos sa butas-butas na dingding
Nang tagpi-tagpi't nakahapay kong barong-barong

Ngayon, ang ningas kong aandap-andap ay nakaluhod
Sa harap ng altar na puno ng mga rebultong kahoy
Nanalangin, bago man lang mapaling ang liwanag
Ay magmulat ang mga rebulto sa aking harapan

Bigyan ako ng HIMALA na maibalik sa akin
Ang dating lagablab na unti unting napapawi
Nang upang muling mag-alab ang apoy
Nang pag-ibig na nagbibigay lakas at buhay sa akin.

No comments:

Post a Comment