Thursday, December 17, 2009

Makulimlim na Sentemiyento

Makulimlim ang langit bagamat walang pagbabadya ng ulan nakakulambong ang ulap sa araw, at tila di natitinag sa ihip ng malamig na hangin mula sa dagat ng persia, matatapos na ang ang tag-lagas at unti-unti nang nararamdaman ang dapi ng tag-lamig. Kailan kaya magkakaroon ng niyebe dito sa disyerto?
Hindi malungkot ang araw pero pakiramdam ko matamlay ang paligid, siguro dahil sa pangungulila sa minamahal sa buhay kung saan palaging sumasagi sa isip. Patuloy ang pag-usad ng buhay, lumilipas ang maghapon at nagtatago ang araw sa likod ng gabi, habang ang pobreng manggagawa ay namamaluktot sa kanyang maiksing kumot upang maibsan ang ginaw na nanunuot sa himaymay ng laman. Walang tunog ng kampana at mga saliw ng pamaskong tugtugin kundi ang nakakabinging katahimikan na umiikot sa bawat sulok ng kuwartong masikip.
Habang ang mga mahal sa buhay ay umaasam ng ipapadalang pera at bagahe ngayong pasko mula sa kanilang mahal sa buhay sa malayong lupain, patuloy na nangangarap at nagmumuni-muni ang pobreng manggagawa sa magagandang pangarap at adhikain para sa kanyang mahal sa buhay na sa kanya'y umaasa at naghihintay. Sa kabilang banda meron naman pamilyang nagtitiis dahil ang kanyang magaling na asawa ay walang pakundangan at hindi pinapahalagahan ang kanyang pinagpawisan kung saan ipinapatalo lamang sa huwego at pambababae, ganun din sa walang kapapararakang pakikipaghuntahan sa telepono pero hindi magawang matawagan ang totoong mahal sa buhay.
May isa pang mukha ang nasa ibayong dagat, tulad ng mga babaeng dahil yata sa di nakukuntento sa maliit na sahod kung saan kanila naman pinag-isipan bago tanggapin ay nakakagawa ng mali para lamang madagdagan ang sentimong kikitain at malaki ang maipadala sa pamilya. Nakakalungkot isipin pero ito ang tunay na mukha ng buhay naming mga OFW,
Mapalad iyong maayos at matiwasay ang nagiging trabaho pero nakakalungkot naman sa ibang sawing palad.
Kung hindi sana nakalugmok sa kahirapan ang ating bansa, kung hindi sana tayo napapalibutan ng mga burgis at sakim na pinuno at kung may pagkakaisa sana tayong mga Pilipino, kung tayo sana ay marunong kumilala ng kapwa natin kalahi sana tulad din tayo ng ibang lahi na mahal ang kanilang pagkatao, nakaraan, kulay at bansa, sana bansang buo din tayo at nabubuhay ayon sa ating lakas at yaman hindi na kailangan pang magpatulo ng pawis at maranasan ang pangungulilang napakalaon para lamang mabigyan nang maayos at matiwasay na buhay ang pamilya.
Ang matinding kolunyalismo at impluwensya ng mga dayuhan ay tila baga napakasarap na pagkain na hindi matanggihan natin, Sa mga tugtugin, sayaw, libangan at pagkain, sabi nga ng bagong henerasyon kailangan sumabay sa panahon. Sa aking palagay habang tayo ay nagpapakahirap gumaya sa ibang lahi palihim naman tayong inaalipusta at pinagtatawanan dahil sa minsan ay kagaguhan, saan ka naman nakakita na napakainit ng panahon ay nakasuot ng jacket at balot ang leeg ng bandana, masabi lang may porma. kasabay ng mga pagsikat ng ilang awitin ng tsina ganun din ng korea kahit di naiintindihan patok sa radyo ang request dahil maganda daw??? Gayun halos ikahiya ang pinoy na awitin dahil bakya at baduy.
Nasaan na ang mga awiting kundiman, ganun din ang katutubong sayaw na madalas kong mapakinggan at mapanood noon? wala na at isa pa, kilala pa kaya ng ating kabataan ang atin mga bayani? o baka ang mga artista ang kilala nila? nagagawa pa kayang ipakilala ng mga bagong guro ngayon kung sino at kung ano ang ating kasaysayan at mga taong nagtanggol at nagbuwis ng buhay para sa ating ngayon?
Ngayon wala na ang mananakop, pero patuloy pa rin tayong sinasakop ng pagiging makasarili at sakim na idolohiya ng ilan natin kababayan, Anong mapapala mo kung ang kapwa mo Pilipino ang iyong kinakalaban? habang nagsisisigaw sa kalye at nagpapakasentimiyento para daw sa bayan. ang iyong pamilyang iniwan sa bahay ay nagpapalahaw sa iyak dahil sa gutom. Samantalang ang pinuno daw ng samahan at rebulosyon ay nagpapahinga at nagpapasarap sa kanyang mansyon at nilalantakan ang buwis na nakulekta ng mga alipores sa hikahos at nagdarahop na masa.
Hay! ang buhay, puro na lang sentimiyento tulad ko.. ganito na nga yata tayo isinilang para magreklamo.he,he,he
Gayun pa man masaya ako dahil naibulalas ko ang nararamdaman ko hindi tulad ng iba may busal at piring dahil ayaw marinig ang kanilang hinaing. Magandang araw at maligayang pasko....

No comments:

Post a Comment